Prinsesang Bakulaw
- Julius Libranda
- Jan 13, 2021
- 8 min read
Araw-araw akong ginigising ng nakakabulabog na boses ni kuya Cedric habang kumakanta sa CR. Gwapo ang kuya kaya lang, kasing sama ng boses niya ang ugali niyang sobrang gaspang. Mayabang siya at akala mo naman napaka perpekto at kapag kami’y sabay-sabay kumakain, lagi niyang akong binubuli kaya naman nakakatamad kumain kapag siya ang kasabay. Naiinis talaga ako sa kanya.
Inaamin ko pangit ako at palagi niya akong inaasar na ampon lang daw ako kasi maganda daw ang lahi namin. Ang lakas ng loob nyang magmayabang at ipinagmamalaki pa niya na maganda daw ang girlfriend nyang si ate Macy. Mabait naman si ate Macy at hindi siya bagay sa kuya kong puno ng hangin sa utak. Buti pa siya, itinuturing niya akong kapatid kapag nasa bahay siya samantalang ang kuya ko, bakulaw ang tingin sa akin. Yung tipong parang ikinakahiya niya ako kapag kaharap ang mga katropa niya.
Sabi ni kuya, wala raw magkakagusto sa akin kaya naman nag-ayos ako ng pananamit at hitsura. Lagi na akong nagsusuklay, nagsa-shampoo, naghihilod at nagpupulbo di gaya ng dati dahil gusto kong patunayan kay kuya na kamahal-mahal ako pero patuloy pa rin siya sa pang di-discourage sa akin. Sabi ko sa kanya, “Who you ka sa akin kuya kapag may nanligaw sa akin!” pero ang sagot niya, “Mga lalaking desperado nalang ang papatol sayo!”
Sa mga bangayan naming magkapatid ay walang tugon sina mama at papa dahil sabi nila, ang sweet daw naming magkapatid sa isa’t-isa at kakaiba daw kami kung maglambingan. Parang sa pandinig nila, ang salitang ‘pangit ka’ ay nangangahulugang ‘mahal kita’ pero di ko iyon matatanggap. Ayaw ko talaga sa kanya at sana hindi ko na lang siya naging kuya.
Mapa-school o bahay, laging may nambubuli sa akin pero lagi rin namang akong lumalaban. Idinadaan ko na lang sa utakan katulong ng mga kaibigan kong si Jelai at Nicky.
Isang umaga, nagulat ako dahil may nakita akong regalo sa locker ko. Napa ‘Oh my Gosh!’ nalang ako dahil first time may nagbigay sa akin noon ng regalong teddy bear at may love letter pa.
“Mahal kita, matagal na by Mr. X” Yan lang ang tanging nakasulat sa card. Kinilig ako, grabe at halos magkapasa na sa braso sina Jelai at Nicky sa kakahampas ko at halos malagas na ang buhok nila sa pagsabunot ko. Ganun kasi ako kiligin. Nung una, nagtataka ako dahil sa hitsura ko, may magkakagusto pa pala sa akin pero ngayon hindi na dahil ipina realize sakin ng dalawang bruha na kamahal-mahal tayo at di lahat ng lalaki ay sa hitsura tumitingin. Siguro, dahil sa talino ko at friendly kasi ako.
Aaminin ko, mula nung sunod-sunod ang pagpapadala ni Mr. X sa akin ng mga regalo, na-inspired talaga ako para magpaganda. Kapag nasa bahay si ate Macy, nagpapaturo talaga ako ng beauty tips. Tinuruan nya ako kung paano ang tamang tindig at lakad at tinuruan nya akong mag make up sa sarili ko kahit na lagi akong inaasar ng kuya ko na mukha daw akong mangkukulam na pokpok kapag naka postura.
“Sigurado ako, pangit yang ‘Mr. X’ na iyan.” lagi sa aking sinasabi ni Kuya Cedric kaya naman ginusto kong alamin kung sino ba talaga si Mr. X. Unang naisip ko, baka si Gerald Villanueva - yung kaklase ko na lagi kong kakuwentuhan tungkol sa mga stories at movies. Kasi usually, nagkaka debelopan ang babae’t lalaki kapag laging magkasama. Nag research ako tungkol sa kung paano malaman kung may gusto ba sa iyo ang isang tao at ini-apply ko iyon sa kanya.
Isang tanghalian, sinabayan ko si Gerald sa panananghalian para makipagkuwentuhan. Ang ginawa ko habang nagkukuwento sya, tinititigan ko ang kanyang mga mata at ang mapang-akit na tingin ay aking ipinakita sa kanya. Hindi man lang ito tumalab at pinitik pa nya ang noo ko dahil ang flirt ko raw tingnan at ni hindi man lang siya nautal at di lumaki ang pupil ng kanyang mata gaya ng sinasabi sa na research ko.
“Ginagamit ang musika para rin ipahayag ang laman ng puso,..” narinig kong nabanggit noon ni ate Macy. Isinunod ko ang kaklase naming singer na si Jiwan. Isang hapon, nang umuwi na ang mga kaklase namin at wala nang tao sa room, pinapunta ko si Jiwan para magpaturo kunwari mag gitara. Pinakiramdaman ko siya’t wala namang bago sa paraan nya kung paano ako kausapin hanggang sa nag request ako na tugtugan nya ako ng isang kanta. Ang kinanta nya ay ‘Invisible’ at malayo sa inaasahan kong love song na tungkol sa confession kaya naman tinanggal ko sya sa listahan. Sayang naman.
Sabi ni Jelai, baka raw si James Tardis si Mr. X dahil siya ang numero unong nambubuli sa akin. May point naman siya dahil sabi nga, ang taong torpe, sa pambubuli idinadaan ang pagpa papansin kaya naman ininterogate ko sya. Minsan sa harap ng klase, inaasar nya ako at ako naman, lumaban sa paraang nakakakilig. Tumayo ako at sinagot ang kanyang pang-aasar. “Umamin ka na kasi! Gusto mo ako kaya ka nagpapapansin nang ganyan!” Narinig ng mga kaklase ang sinabi ko kaya nag ingay sa room. Nagtawanan ang lahat dahil ang amibisosya ko raw habang ang iba naman ay napatili.
“Yak! Ganyan ba kababa ang tingin mo sa akin??” sagot ni James.
“Umamin ka na! Magpapaligaw naman ako sayo kaya di mo na kaylangang magpapansin.” Napa walk out ko si James dahil doon.
Kinagabihan, may nag upload ng edited picture namin ni James at umani ito ng kabi-kabilang reaction mula sa mga babae at ang post na iyon ay nagsilbing daan para magkaalaman kung sino ang ‘mga’ girlfriend ng pakboy na si James. Nung una kasi, may nagcomment na ‘LJ’ at ang sabi, “HOY BABAE, DI MO BA ALAM NA BOYFRIEND KO YANG NILALANDI MO??!” tapos nagreply sa comment na iyon ang nagngangalang ‘Naven’. “HOY LOLA DON’T CLAIM HIM AS IF HE’S YOURS! ANG KAPAL NAMAN NG MUKHA MONG MAGSABI NA BOYFRIEND MO SI JAMES AND FYI, 3 YEARS AND COUNTING NA KAMI!” at sumagot din ang isa pang nagngangalang ‘Angel’ at ang sabi, “MGA ECHOSERANG FROGGIES! ANG GANDA KO NAMAN KUMPARA SA INYO KAYA WAG KAYONG MAG ASSUME! I AM THE ORIGINAL AND HE LOVES ME SINCE 1892!”. Dahil sa post na iyon, nabunyag ang pagigig babaero ni James at nasira pa raw ang kanyang diskarte sa tatlo pang babaeng nililigawan niya.
Lahat na ng mga lalaki sa listahan namin ay naka crossed out na pero di pa rin kami sumuko sa paghahanap sa kung sino ba talaga si Mr. X. Pero may isang lalaki sa kabilang section ang pinanghinalaan namin at ito ay si Nathan - batch ko na matalino at gwapo.
Isang gabi, naglalakad ako pauwi at dumaan ako sa mga madidilim na eskinita para mas mabilis at baka pagalitan na ako ni mama. Pansin ko, may lalaking sumusunod sa akin kaya binilisan ko ang aking lakad. Natatakot ako at tanging anino lang niya ang nakikita ko. Sinilip ko sya sa repleksyon sa aking cellphone at naaninag ko na nakajacket sya na may hood at sinusundan nya lang ako, wala syang ibang ginagawang masama hanggang sa makauwi ako.
Gabi-gabi ganon ang nangyayari at pakiramdam ko, panatag ako kapag nasa likod ko sya. Lagi niya akong inihahatid hanggang sa makauwi nang ligtas. Minsan, naisip ko na paano kaya kung tutukan ko sya ng flashlight kapag nasa likod ko sya pero siguro, hindi dapat para hindi masira ang diskarte nya. Hahayaan ko na lang na sya na mismo ang magpakilala sa akin.
Sabado ng umaga, tumambay sa amin sina Jelai at Nicky para lang makipag kuwentuhan at ikinuwento ko nga sa kanila lahat ng experience ko with Mr. X at kilig na kilig sila’t naiinggit pa raw dahil di daw silang magawang ihatid ng mga boyfriend nila. Biglang dumating sina kuya Cedric at ate Macy.
“Danah, may nag iwan nung halaman sa tapat ng gate. Nakasulat, ‘To: GanDanah, From: Mr. X’.”
“Tsk. Kunwari ka pa ipinadala mo lang naman yan para sa sarili mo.” bulong ni kuya Cedric.
“He! Inggit ka lang!” sabi ko saka nagmadaling kinuha ang sinasabi nilang bulaklak at namangha ako dahil ang ganda talaga niyon. Di ko alam ang tawag pero ang hitsura nya, maliliit ang dahon pati bulaklak. Kulay violet ang mga bulaklak at sobrang dami pa kaya nakakatuwang tingnan. Sabi ni google, Mexican heather daw tawag don
“Buti pa yang bulaklak, maganda.” pang-aasar ni kuya.
“Shut up! Alam mo, ituturing ko itong kapatid di gaya ng pagtrato mo sakin! Naturingan pa naman kitang kuya tapos di mo ko kayang suportahan?? Hay nako!”
“O Tapos?”
“Sana di nalang kita naging kuya!” Para mawala ang pagka inis ko, ibinaling ko na lang ang aking atensyon sa halamang bigay ni Mr. X. Inilagay ko iyon sa tapat ng bintana ko sa kwatro na nasisinagan ng araw para sa tuwing gigising ako, iyon agad ang makikita ko.
Isang gabi, sinusundan na naman ako ni Mr. X sa aking pag-uwi at napadaan kami sa isang eskinita na mayrong mga nag-iinuman. Nung una, pinag-isipan ko pa kung doon ako dadaan pero dahil naisip ko na baka gabihin ulit ako, doon na ako dumaan dahil mas malapit. Susunduin ko pa kasi si Jelai dahil pupunta kami kina Nicky. Di ako natakot dumaan roon dahil alam kong nasa likod ko si Mr. X na handa akong ipagtanggol anuman ang mangyari. Habang naglalakad ako, napapansin kong nakatingin sakin ang mga kalalakihang nag-iinuman kaya inihanda ko ang phone ko para i-dial ang emergency hotline kung sakaling may masama silang gawin sa akin. Naramdaman kong mas lumapit pa si Mr. X na naka face mask at nakahood kaya medyo nabawasan ang takot ko. Hinarang ako ng dalawang lalaki kaya pumunta na si Mr. X sa aking harap pero pinalibutan kami ng lima pang lalaki na may kanya-kanyang hawak na patalim. Hinaharangan ako ni Mr. X na balot na balot ng kasuotan at niyakap niya ako’t tinakpan ang aking mata habang umiikot para makatakas sa nakapaligid. Nang nakalabas na kami, sinensyasan niya ako para tumakbo kaya tumakbo nga ako at humingi ng tulong. Tinawagan ko ang emergency hotline at sumigaw na rin ako sa mga nadadaanan ko para tulungan si Mr. X at buti na lang, rumirsponde agad ang mga tanod na nakabantay.
Tinawagan ako na ako ni Jelai kaya nagmadali ako at di ko na tuloy napasalamatan si Mr. X sa pagtatanggol niya sa akin. Maya-maya lang habang papunta na kami kina Nicky, tinawagan ako nina ate Macy at pinapapunta ako sa ospital. Kinabahan ako non kaya nagmadali agad akong nagpunta kasama si Jelai at pagdating namin roon, nakita ko si mama, ate Macy at yung tanod na hiningan ko ng tulong kanina.
“Ate Macy, mama, si Kuya??”
Hindi sila sumasagot dahil iyak lang sila ng iyak.
“Iha, kuya mo ba yung nasaksak kanina?”
“Po??”
“Noong humingi ka ng tulong sa amin kanina, agad naming pinuntahan ang sinasabi mo at natagpuan namin ang katawan niyang nakahandusay sa daan at puro dugo.”
“Kung ganon, siya si,...”
“Oo. Siya si Mr. X” sabi ni ate Macy.
Di ako makapaniwala sa nalaman ko at sa dahilan kung bakit naroroon sina mama. Medyo tanggap ko pa na si kuya nga si Mr. X pero di ko lang matanggap ay ang kalunos-lunos na nangyari sa kanya.
Iniabot ni ate Macy ang isang papel. “Ito nga pala yung message sayo ni Cedric na di nya naibigay sayo nung birthday mo.”
Kinuha ko ang papel at binasa iyon.
“Pinakamamahal naming Prinsesa,
Pasensya na kung lagi kitang binubuli. Sorry na sa lahat-lahat. Nga pala, ako si Mr. X na laging nagpapadala sa iyo ng regalo. Hindi ko intensyon na paasahin ka at ang gusto ko lang ay maramdaman mong kamahal-mahal ka. Hindi ko man maparamdam sayo ng personal dahil nga nahihiya ako pero sana sa ganong paraan man lang kahit alam kong medyo mali. Nabasa ko kasi yung mga nasa diary mo, gusto mo ng may nagreregalo sayo at gusto mong may naghahatid sa iyo sa pag-uwi kaya naman ginawa ko iyon. Sorry ka kung di ko masabi sayo ng harapan na ‘Mahal ka namin nina Mama at Papa’. Kilala mo ako, ayaw ko ng drama kaya pag nabasa mo ito, umakto kang walang alam tungkol dito kasi kokotongan kita kapag nagdrama ka sa harap ko. Pektus ka pa sakin kapag may binanggit kang kahit ano sa sulat na ito sa harap ko o nina mama at papa.
Pasensya kung lagi kitang nasasaktan sa mga panlalait ko. Alam mo naman, bully na ako sadya. Pasensya na kung minsan, pakiramdam mo ay ikinahihiya kita sa mga ka tropa ko. Pasensya na… Happy Birthday nga pala aming Prinsesa. Kung iiisip mong bakulaw ang tingin ko sa iyo, nagkakamali ka. Prinsesa ka namin.
Nagmamahal,
Halimaw mong Kuya”
Napaiyak talaga ako sa sulat na iyon at sa halip na magtampo at madismaya ako dahil di ko natagpuan ang inaasahan ko, naging masaya ako dahil nalaman kong mahal pala ako ng kuya ko sa kabila ng kanyang panlalait sa akin. Naramdaman ko sa pamamagitan ng sulat na iyon na ang tunay na pagmamahal sa likod ng aking pagka poot sa kanya. Pinagsisihan ko na sana di ko nasabi sa kanya ang linyang “Sana di na kita naging kapatid!” at sana mabawi ko yung mga isinumpa ko noon sa aking kuya ngunit huli na ang lahat. Ibinalita ng doktor na pumanaw na si Kuya Cedric sa gabi ding yon.
Comments