Malamig na Pasko
- Julius Libranda
- Jan 9, 2021
- 2 min read
Sinlamig ng amihan ang aking pasko dahil sa mismong araw ng na ito ko ipinagdiwang ang death anniversary ng fiance ko. Sa halip na magliwaliw, inilaan ko ang umaga ko sa sementeryo para siya'y dalawin at alayan ng dasal. Malakas ang ihip ng hanging amihan at kahit saan ako magpunta, napapanginig pa rin ako sa ginaw kahit na nakasuot na ako ng sweater na long sleeves. Habang naglalakad ako sa daan, hindi maiwasang maalala ang mga nakaraang magkahawak kami ng kamay habang namamasyal sa parke, naglalaro ng tubig sa fountain at nagp fo-food trip nang masaya. Hindi ko maiwasang maging emosyonal habang nasa sementeryo, hawak ang paborito niyang bulaklak dahil kahit isang taon na ang nakalipas, hindi ko pa rin siya makalimutan. Sa totoo nga lang, hiling ko ngayong pasko ay makasama sya kahit na napaka imposibleng mangyari.
Pagkatapos ay dumiretso ako sa mall upang bumili ng jacket. Mga bandang alas-dose na noong nagdesisyon akong umuwi na at habang ako’y naglalakad, nagtitinginan ang ilan sa akin dahil siguro balot na balot ako samantalang ang iba ay nakasando pa. Parang ang wirdo nga dahil ako lang ang giniginaw at wala naman akong lagnat. Bumalik nalang ako sa loob para bumili ng isa pang jacket dahil talagang giniginaw na ako. Hindi ako makapili ng kulay ng jacket dahil lahat ay magaganda hanggang sa may isang nakapukaw ng aking atensyon.
May nalaglag na jacket sa isang section, kulay cyan – kakulay ng tema ng kasal dapat namin. Nakakapagtaka kung paano ito nahulog gayong walang ibang tao roon at habang palapit ako upang pulutin iyon, bumabalik sa akin ang ala-alang kasama ko sya habang pumipili ng long sleeves na kulay cyan na dapat ay isusuot ko sa kasal. Para bang dinadala ako ng jacket na ito sa nakaraan habang hawak ko ito para isukat sa fitting room, gaya nang nangyari sa nakaraan.
Itinaas ko ang zipper niyon subalit hindi pa rin naibsan ang lamig na nadarama. Bagkus, sa pagharap ko sa malaking salamin, lalo kong nadama ang pagtindi ng lamig kasabay ng paghigpit ng kanyang yakap.
Comments