top of page

Allowance

  • Writer: Dan Brila
    Dan Brila
  • Jan 13, 2021
  • 2 min read

Buwanan kung ibigay ni Jose ang allowance ng kanyang anak na si Chris at kasama na rito ang ibang mga gastusin para sa proyekto at iba pa. Dahil dito, natuto siyang magbadyet nang tama at iniipon niya ang nakalaang baon para sa mga araw na walang pasok. Gusto niyang makatulong sa kabawasan ng gastusin ng kanyang mga magulang kaya ang naipon niyang pera ang ginagamit niya upang maging allowance sa susunod na buwan hanggang sa naubos na ito.

Kalahati palang ng Nobyembre ay naubos na ang ipon niya kaya humingi siya ng panibago na agad namang ibinigay ang sapat lang sa isang linggo at hanggang sa lumaon, ang buwanang baon ay naging lingguhan na. Sapat lang para sa baon niya ang ibinibigay, hindi kasama ang ibang mga gastusin ngunit hindi nagrereklamo si Chris sa pag-aakala niyang nahihirapan na ang kanyang mga magulang sa pagtatrabaho.

Habang tumatagal, unti-unting nababawasan ang baon niya pero iniintindi pa rin niya ang kanyang mga magulang. Tuwing lunes ng umaga, lumalapit siya sa kanyang tatay para humingi ng baon at kuntento na siya sa kung magkano lang ang ibigay sa kanya.

Dumating ang mga panahong araw-araw na ang pagbibigay ni Jose kaya araw-araw na ring lumalapit sa kanya ang kanyang anak para humingi ng baon at magpaalam na aalis na. Nangyari rin na nalaman ni Chris na sobrang dami pala ng pera ng kanyang tatay at sobrang laki pala ng kinikita ng kanyang ina sa pagtatrabaho sa Maynila.

Medyo nakaramdam si Chris ng pagkadismaya dahil ilang buwan siyang nagtiis sa pagtitipid gayong marami namang pera ang kanyang tatay. Kinausap niya ito para tanungin kung bakit ngunit ang tanging sagot lang ni Jose sa anak ay “Wala lang, gusto lang kitang makita tuwing umaga.”

Nagtaka siya sa naging tugon ng kanyang tatay kaya tinanong niya ito. “Hindi pa po ba tayo nagkikita kapag sabado at linggo o kaya kapag umuuwi ako sa hapon?”

“Na miss ko lang kasi yung ‘Tay, aalis na po ako.’ Kung ang arawang baon lang pala ang dahilan para kausapin mo ako tuwing umaga, bakit hindi ko gawin?”

Recent Posts

See All
Hindi po Ako Iyon

Ako po si Ryan, 18 taong gulang. Ako ay may malubhang sakit na ang pagkalimot ang sintomas.

 
 
 

コメント


bottom of page